Tatlong Tula Sa Kalikasan
blog : Breathing the SSDD Mantra
I
Hayaan mong maglakad ako sa kamison ng iyong buhanginan,
idausdos ang mga sakong na pagal at puno ng pighati.
Ihihimlay ko ang isa’t kalahating buntung-hininga sa
iyong puson, sa lumalagaslas mong alon. Pahintulutan
mo sanang makipagniig ang mga luha ko sa tubig mong
maalamat ang alat. Kung paanong dalawang higante ang
doo'y nagbatuhan ng sandakot na asin; at ang tubig mong
tabang ay naging kulay bughaw na nakapagpapakulubot
ng mga labing sabik sa iyong kariktan. Lulusungin ko
nang hubo't hubad ang itinatago mong yaman at doo'y
sasalubungin ako ng iyong mga isdang mangingiliti sa
aking pagkatao. Ang mga malalanding labi'y hahalik sa
aking mga binti, sa aking dibdib, sa utong kong
kulay rosas, sa tite kong nangunguluntoy sa iyong alat.
At manunumbalik ang aking sigla, ang buhay na walang pag-asa.
Kakatagpuin ko ang mga maharot na sirenang nagkukubli
sa iyong mga batong liblib. At sila'y mag-uunahan sa
pagsuklay ng aking basang buhok, aawitan ako ng mga
nilimot na alamat ng mga manlalayag na nabihag ng kanilang
kagandahan, ng mga kalalakihang nilambat ang kanilang
mailap na mga puso, ng mga barkong nagtatago sa kaibuturan
ng iyong puso tangan ang isanglibo't isang gintong barya.
Mamumulot ako ng mga mahiyaing kabibe at iaalay sa
palad ng babaeng pinakamamahal. At lalandiin ko ang
kaniyang mga labi ng aking dilang nalasap na ang asin
ng iyong tubig. Kasabay ng paglagaslas ng iyong maharlikang
alon, kasabay ng pag-awit ng mga ibong natatanaw mo sa kawalan,
ng pagpapailanlang ng mga ulap na nasasalamin sa iyong
banayad na tubig, siya at ako ay mamamanata.
At ikaw ang magiging piping saksi.